TATLUMPU’T walong katao pa na sinasabing close contacts ng pasyenteng nagkaroong ng UK virus variant sa Bontoc, Mountain Province at La Trinida, Benguet, ay nag-positibo sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na nagsabing ang 144 iba pang close contacts ng 12-pasyente sa Bontoc ay natukoy na subalit ang mga ito ay hindi positibo sa UK variant.
“Dito sa contact tracing na ito, meron tayong nakita na additional na 34 positive pa but they were not positive for the UK variant,” ayon sa online press briefing ni Vergeire.
Nilinaw ni Vergiere na ang 34 close contacts na may Covid-19, anim ang nasuri na negatibo sa UK variant, habang ang nalalabing 28 ay naghihintay pa ng resulta ng genome sequencing result para matukoy kung mayroon din silang bagong variant ng virus.
Sinabi rin ni Vergeire na ang 144 katao ay nagmula sa una at ikalawang generation close contacts ng 12 pasyente. Ang coverage ng contact tracing efforts ay pinalalawak pa, ayon sa kanya.
Sa tao na infected ng UK variant mula sa La Trinidad, Benguet, sinabi ni Vergiere na ang 97 first and second generation na close contacts ng nasabing pasyente ay kanila nang natukoy.
“Dito naka-identify tayo na meron nang nagpositibo na kasama niya sa loob ng bahay—nanay, tatay, kapatid at lola. Apat ang nagpositibo sa close contact niya and the rest, negatibo po sila,” sabi niya.
Hinihintay pa ng DOH ang resulta ng genome sequencing para sa ibang specimen ng naturang apat na close contacts na nagpositiboi sa bagong coronavirus.
“As of the two ROFs (returning overseas Filipinos) from Lebanon, ‘yung taga-Iloilo at Binangonan, na-locate na ‘yung taga-Iloilo. Yung taga-Binangonan po, bine-verify pa rin po ng regional office namin and ‘yung sa Calamba, Laguna, they are currently doing initial investigation,” Vergiere said.
Sa kasalukuyan, 17 indibidwal sa bansa ang kumpirmadong mayroong UK variant ng SARS-CoV-2, ang virus ng COVID-19. Ito ay ang 29-anyos na male patient sa Quezon City, na naunang nagkaroon ng UK variant at ang 16 pa na iniulat ng DOH noong Biyernes. (DRR)