INATASAN ng National Telecommunications Commission (NTC) ang telecommunications companies (telcos) na isumite ang kanilang mga plano para sa pagpapabilis ng internet sa bansa.
Ang hakbang ay isinagawa ng NTC dahil sa direktiba ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, na pagbutihin ng telcos ang kanilang serbisyo at isumite sa NTC ang kanilang plano sa ngayong 2021.
Inabisuhan ng NTC ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na isusulong na ang roll-out plan implementation sa taong ito.
Magsasagawa rin ang DICT at NTC ng monthly meetings kasama ang telcos upang matiyak na ipinatutupad ang kanilang isinumiteng roll-out plans para sa ibayong serbisyo sa publiko.
Bagamang na-oobserbahang nagkakaroon ng improvement sa internet speed sa kabila ng pandemic, tinitiyak ng DICT at NTC ang kanilang pag-monitor sa serbisyo ng telcos para na rin masiguro ang pangangailangan ng mamamayan sa internet service lalo na nitong halos lahat ng komunikasyon ng publiko ay umaasa sa bilis ng internet.
Ayon sa Ookla findings nitong nagdaang taon, 297.47 percent ang isinulong sa national internet average download speed para sa fixed broadband at 202.41 percent ang sa mobile broadband ihambing sa 2016 speeds.
Ang national average download speed para sa fixed broadband ay bumilis mula sa 7.91 Mbps noong Hulyo 2016 na naging 31.44 Mbps nitong Disyembre 2020, samantalang ang average download speed para sa mobile broadband ay umakyat din mula sa 7.44 Mbps noong Hulyo 2016 na naging 22.50 Mbps nitong nagdaang Disyembre 2020.
Inaasahang maglulunsad ang DITO, ang ikatlong major telco player, ng commercial service sa darating na Marso kung kaya’t tinaasan ng Globe at Smart ang kanilang capital expenditures na P90-milyon at P92-milyon, ayon sa pagkakasunod.
Gumugol ang DITO ng P150-bilyon sa kanilang infrastructure roll-out upang higitan ang Globe at Smart. (Jhun Pasamonte)