“ISA sa bawat sampung Pilipino ay nasa ibang bansa. Kung nasa isang bansa po ang lahat ng ating mga kababayang overseas Filipino, ito ang magiging pang-91st pinakamaliking populasyon sa buong mundo. Mas malaki pa kaysa sa population ng Sweden, Austria, UAE, Israel, o Switzerland ang bilang ng mga Pilipino sa ibayong dagat.”
Ito ang iginiit ni Sen. Joel Villanueva sa kanyang opening statement sa hearing ng Senate committee on labor, employment and human resources development na kanya ring pinapangunahan. Ang naturang komite ngayon ang bumabalangkas sa panukalang magtayo ng isang Department of Overseas Filipinos o DOFil na tututok sa pangangailangan ng mga OFWs ng bansa.
Ani Villanueva, sa laki ng kontribusyon ng mga OFWs sa bansa, kasama na ang ambag ng mga ito sa “national pride” at malaking tulong sa ekonomiya, nararapat lamang na maipasa ang panukalang ito.
“Noong 2019, umabot po ng P1.56 trillion ang kabuuang cash remittances ng mga overseas Filipinos. Ito yung pinadaan sa bangko at remittance centers. Mas malaki pa ang halaga kung kasama ang perang personal na inuwi o ‘ipinakisuyo’ kay kabayang umuwi sa Pilipinas,” anang senador.
Certified na as “urgent” ng administrasyon ang panukala na nagmumungkahing magtayo ng DOFil at pagsama-samahin ang mga ahensyang direktang may kinalaman sa pagsusulong ng kapakanan ng OFWs na nasa ilalim ng DOLE at DFA.
Hindi biro aniya ang nai-aambag ng mga OFWs sa ating bansa, kaya marapat lamang na magtayo ng isang line agency na tututok sa kapakanan ng OFWs, imbes na hatiin ito sa dalawang departamento.
“Kung bibilangin po natin ang pasok ng salapi mula sa mga OFW na parang metro ng taxi, ito po ay P4.276 bilyon kada araw, P178.17 milyon kada oras, at halos P3 milyon bawat minuto. Kaya kung ang session po natin dito sa Senado ay tumatagal ng tatlong oras, mula simula hanggang matapos, P535 milyon, o lampas kalahating bilyung piso, na ang kanilang naipadala. Lahat ito sa tatlong oras lamang,” sabi ni Villanueva.
Dagdag pa dito ang karangalang na naihahatid ng mga OFWs dahil sa likas na galing at talino ng mga Pilipino sa bansa, ani Villanueva, kaya napapanahon na suklian ng gobyerno ang kanilang mga sakripisyo.
“Gawin po natin ito para sa isang maganda at mapagpalang araw o gabi para sa mga bagong bayani ng ating bayan – sila po ang mga Pilipino sa ibayong-dagat na patuloy sa pagkayod at pagsusumikap para matamo ang kanilang mga pangarap: pangarap para sa kanilang sarili, pamilya at para sa ating minamahal na bayang Pilipinas.”