SA 24,000 rehistradong homeowners associations (HOAs) sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa buong bansa ay higit 32,000 na kaso ang dinidinig ng Housing and Land Use Regulatory Board o ang HLURB.
Karamihan sa mga kaso ay ang hindi pagbabayad ng monthly dues at may kaugnayan sa eleksyon ng mga opisyal o members of the board of directors o trustees nito, ayon na rin mismo kay DHSUD Secretary Eduardo del Rosario.
Pinag-aawayan ng mga homeowners ang maging opisyal ng kanilang HOA gayong wala naman itong sweldo o allowance dahil ipinagbabawal ito ng Republic Act No. 9904 o mas kilala bilang Magna Carta for Homeowners and Homeowners Association.
Pero bakit nga ba pinag-aawayan ang posisyon ng director sa HOA, mga padrino ko?
Dahil ito sa katakawan o kaswapangan sa pera! At, siyempre, sa kapangyarihan! Sus, ginoo!!
Ginagamit rin ng mga hunghang na opisyal ng HOA ang kanilang posisyon para mapalapit sa mga politiko at makadilihensya. May kapangyarihan silang magdikta sa mga miyembro ng ano mang ipagagawa nila.
Ito ang tunay na dahilan ng pinag-aawayan sa HOA. Pera at kapangyarihan!
Wala na yaong sinasabing pagmamalasakit sa mga kapitbahay at sakripisyo kaya gustong magsilbi kuno ng mga hinayupak sa HOA!
Alamin!
Sa naturang Republic Act No. 9904, na nagbabawal nga sa mga miyembro ng board of directors o trustees ng HOA ang magkaroon ng ano mang compensation o yaon bagang bayad, ay marami pa rin nakakalusot dito.
Kasi, ang katwiran ng mga ulupong sa HOA ay mayroon naman silang board resolution para sila mabayaran sa kanilang serbisyo.
Ang kahulugan ng compensation ay cash o non-cash payment na ibinibigay o bayad sa trabaho o serbisyo. Kasama na rito ang sweldo, allowance, per diem o ano pa uri9 mang benepisyo.
Kaya ang isang miyembro ng board of directors o trustees na naitalaga rin bilang ingat-yaman at tumatanggap ng P5,000.00, bilang “allowance” ay isang paglabag sa naturang batas. Kahit pa sabihing ang kanyang naturang allowance ay bilang ingat-yaman at hindi bilang miyembro ng board of directors o trustees.
Lalo na kapag ang kanyang allowance ay P5,000.00 gayong ang sekretarya ng asosasyon na mas mabigat ang trabaho ay mayroon lamang P1,000.00 na allowance! Sus, kalaki ng diprensya!!
Kaya kapag mayroong ganireng nangyayari sa HOA saan mang sulok ng bansa ay abisuhan na ng mga miyembro na tumigil na ang kanilang ingat-yaman sa kanyang kahibangang lumabag sa batas.
O harapin niya ang mga kasong maaaring isampa laban sa kanya!
Kasi maaari ring madamay ang mga kasamahan niyang miyembro ng board of directors na gumawa ng boad resolution para pahintulutan ang paglabag nila sa batas.
Alalahanin sana nilang “Ignorance of the law excuses no one.”
At kriminal ang sadyang lumalabag sa o walang kinikilalang batas!
Abangan!!!
Taliwas sa paniniwala ng mga abusadong opisyal ng homeowners’ association, ang board resolution ay kailan man hindi mangingibabaw sa batas ng bansa. Hindi ito isang batas na maaaring magdetine o pigilan ang pagkilos na tao.
Mayroon pala kasing HOA na pinipigilang umalis ang tenant o yaon bagang nangungupahan lamang sa kanilang subdibisyon kapag ito raw ay hindi nakabayad ng monthly dues o obligasyon sa HOA. Tsk, tsk, tsk!
Kadalasan kasi ay sa paupahang bahay sa isang subdibisyon, ang pagbabayad ng monthly dues o obligation ng may-ari ng bahay ay ang nangungupahan o tenant.
Pero kapag hindi nakapagbayad ang isang tenant ng monthly dues ay walang karapatan ang mga opisyal ng HOA na pigilan siyang umalis hangga’t hindi niya nababayaran ang kanyang obligasyon. At wala silang karapatan na pigilin ang paglabas ng kanyang mga gamit o kasangkapan para garantiyang babayaran niya ang kanyang obligasyon.
Sana masampahan ng kasong kriminal ang mga gumagawa nireng pang-aabuso sa residente sa subdibisyon!
At mabulok sa bilangguan, ang mga hinayupak na hari at reyna ng asosasyon!
Kasuhan!!!
Marami pa akong nalalamang pang-aabuso ng mga opisyal ng HOA na gaya ng ginagawa na itong family corporation ng mga mandarambong.
Pero maghahagilap pa ako ng karagdagang ebidensya sa mga reklamong aking natanggap tungkol dito.
Hangad ko ang matapos na ang mga kalupitan at kaswapangan ng mga opisyal ng HOA kaya ang dapat na gawin sa mga ganireng opisyal ay ang makasuhan nang hindi na sila maaaring makialam sa operasyon ng HOA.
Mas mainam pa nga na sila ay makatikim ng kulungan para matuto ang mga miyembro na igalang ang HOA lalo na ang pondo nito.
Matigil na sana ang pagnanakaw sa homeowners’ association!