NASA iba’t ibang time zones man po ang ating mga kababayang overseas, ‘yung pangungumusta mula sa Pilipinas, wala pong pinipiling oras para makaramdam sila ng ginhawa sa pakiramdam.
Kaya sa ating mga kababayang OFW, kumusta na po kayo at magandang araw naman po ating lahat na naririto.
Higit sa lahat, sa ating mga kababaihan lalo po na sa mga female OFWs, Happy International Women’s Day po. Talong-talo po ng mga kababaihan ang ating mga kalalakihan kung bilang ng mga OFWs ang pag-uusapan. Sa 2019 Survey on Overseas Filipinos, 56% o 1,233,120 po ang mga babae kumpara sa 44% lang na kalalakihan. Sila po ang ating mga nanay, ate, ditse at sanse na kalimitang nag-aalaga ng mga anak ng dayuhan, imbes na mag-aruga ng kani-kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Kaya nga po ang ginagawa nating pagdinig ngayon ang pagtatag ng DOFIL ay dapat mas nakakiling sa pangangailangan ng ating mga female OFWs. Dapat may “touch of women” ang bahay na ito – mahalagang mailahok po natin ang mga pananaw at saloobin ng mga kababaihang OFWs.
Last hearing, we heard from government agencies. Today we want to listen to the OFWs who risked their lives and limbs to work abroad and to provide for their families back home.
This is Part 3 of our hearing on the proposed Department of Overseas Filipino or DOFIL where we will look into the on-site services that we provide to our Filipino brothers and sisters abroad.
Just last Friday, March 6, natanggap po natin ang nakakalungkot na balita na may mga Pilipinong nilooban ng mga armadong lalaki sa Saudi. Sinaktan, ninakawan, at pinagsamantalahan pa raw po ang isa sa kanila.
Nakakalungkot din pong malaman na sa ganitong pagkakataon, hindi rin agad makakasaklolo ang ating mga kawani ng pamahalaan dahil sa layo ng kinororoonan ng mga nabiktimang OFW sa Abha, Saudi Arabia na halos 8-oras ang byahe mula sa Jeddah.
Tama naman po ang binigay na advice ni Consul General Edgar Badajos na sa local police sila humingi ng tulong, huwag basta-basta magbubukas ng pintuan, at maglagay ng dagdag na safety lock sa kanilang tinutuluyang apartment.
Pero indikasyon din po ito na talagang in cases of emergency, walang parang “911” o life-saving mechanism na pwedeng asahan ng mga OFWs in distress situations.
Last October 2019, before the pandemic, lumapit naman po sa atin ang kaanak ng OFW na si “Roel” na namatay sa Peru. Inabot po ng halos dalawang buwan bago naiuwi ang bangkay n’ya dahil wala tayong embahada doon at kailangan pang dalhin ang mga documentation sa Chile.
Naintindihan po natin ang mahabang proseso, pero sa mga kaanak na dalawang buwang naghihintay ng bangkay ng kanilang mahal sa buhay dito sa Pilipinas, napakasakit po nito.
Buti na lang po at may insurance company si “Roel” na nag-asikaso ng lahat mula sa pagkuha ng General Death Certificate at Necropsia Certificate sa Peru, hanggang sa pagbyahe ng bangkay n’ya dito sa Maynila.
Sa dami po ng mga OFWs, para po silang ‘yung nakikita nating mga jeep na byaheng probinsya noon na talagang punuan, meron sa topload, meron sa backseat at meron pang nakasabit. Nabibilang natin sila, pero halos hindi na natin sila nakikita o nakakamusta.
Bago po ang pandemya, hindi po nawawalan ng tao sa may Luneta. Pero karamihan po sa kanila, hindi po mga turista kundi mga marinong nag-aabang ng trabaho sa seafarers’ center sa T.M. Kalaw at U.N. sa Ermita.
Kitang-kita po sila dahil mga naka-puti, pero hindi po namumuti ang mga mata nila kahit maghapong nag-aabang o naninikluhod ng trabaho sa mga manning agency.
Ang hirap po ng pinagdadaanan nila, makasampa lang sa barko. That’s why we were shocked to know that in the year 2019 alone, ang “death on board” po natin nasa 477! May higit isang Pinoy seaman pala kada araw ang namamatay sa barko.
Paano po ba natin naaabot ang mga marinong pumapalaot sa ating mga karagatan? Kasi po baka kahit “salbabida,” hindi po tayo makapagbato sa kanila.
Last week, nagsagawa po tayo ng online consultation sa ating mga kababayang Overseas Filipinos sa halos lahat ng kontinente via Zoom. Umabot po sa isandaang OFs ang mga dumalo sa online meeting natin.
Lahat po sila, nag-zoom-in sa iisang isyu: on-site services at suporta mula sa Philippine government lalo na po ang implementation ng mga cash assistance para sa mga OFW under Bayanihan 2 Law.
Ito po ang dahilan kung bakit ngayong araw, karamihan po sa mga kasama nating resource persons ay mga OFW groups so we can hear from them directly and understand what their concerns are.
Again, hindi po ito palit-karatula o lipat-bahay lang. Pero hindi rin po tayo nagtatayo ng bagong bahay gamit ang mga lumang pako o lumang bubong. Gusto po natin ng maayos na plano kaya nakikinig tayo sa mga eksperto pero higit sa lahat ang dapat nating pakinggan ay yung may-ari ng itinatayo nating bahay, wala pong iba kundi ang ating mga overseas Filipinos.