MATINDI talaga ang katiwalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ang tanggapang pinamumunuan ni Commissioner Caesar Dulay.
Manatakin ba naman P20-milyon daw pala ang sinisingil ngayon ng isang opsiyal d’yan sa mga gustong makapwesto bilang revenue regional director. Wow!
Ayon pa sa aking reliable source ay P10-milyon naman ang singil nireng opisyal para sa mga gustong maging revenue district officer na ilalagay raw sa makakatas na pwesto. Yaong bagang pwesto na mababawi niya sa 2-taon lamang ang kanyang puhunan/! Sus, ginoo!
Alam n’yo, mga padrino ko, super-lakas daw itong BIR opisyal na nagbebenta ng pwesto dine sa graft-ridden agency sa isang infamous “Pastor” kung kaya’t napakalakas ng loob nitong gumawa ng kahayupan sa kanyang puwesto.
Bagaman tinitiyak ng aking source na hindi nalalaman ni Commissioner Dulay ang raket nireng opisyal ay nagtataka lang ako kung bakit hindi niya nararamdaman ang mga katiwalian sa kanyang ahensya. Tsk, tsk, tsk!
Demoralisado man ang mga kawani ng BIR ay napakasaya naman ng mga buwaya rito na walang inatupag kundi ang nakawin ang pera na dapat sana ay mapupunta sa bayan,
At ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) naman ay sadyang nakapikit sa mga katiwalian sa ahensyang pinamumunuan ni Comissioner Dulay, na para bagang pinahihintulutan nila ang nangyayari.
Ala, e, sumulat ako noon sa isang PACC commissioner para inguso ang mga properties ng isang super-corrupt na BIR official. Pero walang nangyari sa aking sulat dahil sa mayroon ring super-corrupt na opisyal doon sa PACC.
Tila nakatimbre na ang mga hindoropot sa BIR sa hinayupak na opisyal ng PACC kaya nagkaroon ng tindahan sa loob nireng tax agency. Tindahan na ang ibinebenta ay ang posisyong nais sakupin ng mga demonyo sa ahensya! Susmaryosep!
Pero umaasa pa rin akong malapit nang magwakas ang kahayupan ng mga mandarambong sa BIR. Matitigok din ang mga bwakaw na ulupong riyan!
Abangan!!!
Nagsampa na ako ng kasong kriminal laban sa Meralco at mga opisyal nito na sina Chairman Manuel V. Pangailinan, Atty. Ray C. Espinosa, at iba pa, dahil sa hindi makatarungan nilang pagputo sa aking kuryente habang nakabimbin ang kasong isinampa ko laban sa kanila sa Energy Regulatuons Commission (ERC).
At pinutol nila ang power supply sa aking bahay nong Enero 29, habang ang aking mga apo ay nasa online classes nila at habang ako naman ay nagtatrabaho sa aking computer para dito sa Primo Newsweek online at iba pang obligadong tapusin na ipapadala sa korte partikular na sa Court of Appeals.
Grave coercion ang isa sa mga ikinaso ko kasi naniniwala akong suspendito ang karapatan ng Meralco na maningil sa mga bayad sa upaid bills at lalo sa pagputol ng kuryente dahil sa kasong nakabimbin sa ERC.
Mantakin ba namang lumabas ang pagkaswitik nireng Meralco sa pwersahang pagsingil sa aking mga bills na nakakagulat na tumaas sa kabila ng nasa ilalim ng lockdown at community quarantine ang bansa dahil sa pandemic dulot ng COVID-19.
Dahil sa requirement ng ERC na padalhan ng kopya ng aking reklamo ang Customer Welfare Desk (CWD) ng Meralco para raw ito magbigay ng suhestiyon na maresolba nang maayos ang aking reklamo, e, pabalik-balik sa aming bahay ang mamumutol n gaming power supply bagay na napapahiya na kami sa aming lugar. Dinaan ng Meralco ang kanilang paninigil sa shame campaign para pwersahin kaming magbayad.
At sa pangatlong balik ay tinuluyan na n’yang putulin an gaming kuryente noong Enero 29, ng hapon na araw ng Biyernes.
Napilitan akong pumunta sa Bacoor Business Center kinabukasan ng umaga para magbayad. Obligado akong lumabas ng bahay at i-expose ang aking sarili sa COVID-19 dahil pinutol nitong Meralco ang napakahalagang kuryente sa aming bahay.
At pagdating ko pa sa tanggapan ng BBC ay inabot pa ako ng halos 2-oras dahil walang priority lane sa pag-asikaso ng iba pang problema ng customers ng Meralco. Ang tanging priority lane nito ay inilaan para lamang sa mga nagbabayad. Sus, ginoo!
Ang pinakamahalaga sa Meralco ay ang perang ibabayad ng mga customer. Walang halaga sa kanila ang kalusugan at buhay ng kanilang customers na maaaring magkaroon ng COVID-19 sa dami na rin ng tao sa loob ng tanggapan!
Kaya pinatunayan ng Meralco na sugapa sila sa pera ng kanilang mga customer. Pinatunayan nilang sinadya ang tinaguriang “bills shock” dahil dinadaya nila ang kanilang mga customer!
Alamin!!!