INAMIN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, na isang “unapardonable gaffe” ang pagdawit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilang kilalang personalidad na nagtapos sa University of the Philippines (UP) sa listahan ng New People’s Army (NPA).
Bagaman walang kapatawaran ang akusasyon ni AFP sa mga UP graduates, tiniyak ni Lorenzana na hihingi ang sandatahang lakas ng paumanhin sa kanilang pagkakamaling akusahan ang mga ito bilang mga miyembro ng NPA.
Pumalag si lawyer Raffy Aquino, ng Free Legal Assistance Group, na mapasama sa listahan umano ng NPA recruits na mga nagtapos sa UP at inobliga ang AFP na mag-public apology.
Subalit sinabi ni Lorenzana na hindi niya alam kung ano ang magiging katwiran ng AFP sa kanilang akusasyon na nag-viral sa social media.
“What reason will they give? I do not know. It’s an unpardonable gaffe.” sabi ni Lorenzana.
Ang naturang listahan ay tinanggal ng AFP sa Facebook makaraang ulanin ito ng batikos mula sa netizens dahil sa pagdawit sa mga inosenteng personalidad na inakusahang mga miyembro ng NPA.
Dahil dito, magsasampa ng cyber libel case ang mga nadawit sa listahan laban sa AFP na naging padalos-dalos sa kanilang mali at walang kapatawarang akusasyon na naging vial sa social media. (Egay Vergara)