NAGKOMENTO ang huwes na aking inireklamo at sa halip na pasinungalingan ang aking mga akusasyon laban sa kanya ay inatake n’ya ako ng matindi.
Pero hindi niya ikinaila ang aking mga akusasyon kaya maaari itong maituring na inaamin niya ang lahat ng reklamo ko laban sa kanyang pambababoy sa aking kaso. Tsk, tsk, tsk!
Pagdusahan niya ang kanyang kalokohan at kasalanan!
Panalangin ng huwes na ibasura ang aking reklamo dahil sa isa raw akong disgruntled litigant. O yaon bagang hindi masaya sa kanyang ginawang pambababoy sa aking kaso.
Para sa kanyang kasiyahan ay inaamin kong ako ay isang disgruntled litigant. Inaamin kong nagalit at hindi ako kuntento sa pagbasura n’ya sa aking kaso laban sa isang bilyonarya.
Kasi kumiling siya nang husto sa aking kalabang bilyonarya! Sus, ginoo!!
Malakas naman ang aking ebidensya laban sa huwes. At malakas din ang aking ebidensya laban kay bilyonarya kaya maaari siyang makulong sakaling matalo siya sa kaso.
Bagaman wala akong ebidensyang nagkaroon ng sabwatan ang aking kalaban at ang huwes ay kuntento na akong malamang ang aking kalaban ay bilyonarya gayong ang huwes ay negosyante! Tsk, tsk, tsk!
Alamin!!!
Dapat sibakin ng Korte Suprema sa puwesto ang mga huwes na negosyante para hindi nila gawing negosyo ang mga kasong kanilang nililitis.
Gaya ng huwes na isa ring lisensyadong real state broker. O ano pa mang negosyo.
Binababoy lang nila ang kanilang propesyon sa hudikatura dahil nga sa kanilang negosyo!
Sibakin sila agad!
Happy birthday muna sa aking Tia Edna Rosario na asawa ng aking Tio Armando Rosario. Si Tia Edna ay nagdiwang ng kanyang kaarawan Marso 7, sa kanilang bahay sa Project 2, Quezon City, kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.
Happy birthday, Tia Edna!
Bagaman hindi pa maaaring magkaroon ng prosesyon sa pagdiriwang ng kapistahan dahil sa pandemya, nagpasiya ang mga opisyal ng Barangay San Jose, Macabebe, Pampanga, sa pamumuno ni Kapitan Francisco Galura, na payagang tumanggap ng limitadong ang kanilang mga ka-barangay.
Maaring dumayo sa kanilang barangay ang mga gustong magsimba sa Poong San Jose, at makipamista sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak sa Marso 21.
Pero ang kundisyon nito ay hindi maaaring pumunta sa iba ibang bahay ang sino mang makikipamista. Sa madaling sabi, kapag pumasok sa isang bahay ang mga bisita ay doon na lamang sila mananatili hanggang sa sila ay uuwi na.
Ito nga naman ay para matiyak ang kaligtasan mula sa COVID-19 ang mga taga-Barangay San Jose, at, siyempre, ang mga bisita nito.
Tinitiyak ni Kapitan Galura na maipatutupad ang kanilang mga regulasyon dahil mahigpit na amgbabantay ang lahat ng barangay officials sa lugar.
Sang-ayon ang lahat sa ginagawa nitong si Kapitan Galura sa kanyang barangay. Masaya sila dahil sa mahusay na serbisyo ng kanilang kapitan at mga kasamahan nito pangunguna ni Kagawad Joseph “Kuya J” Yambao.
Tulad ni Kapitan Galura, itong si Kagawad Joseph ay maaasahan sa pagtulong sa kanyang mga kababayan sa Pampanga lalo na sa kanyang constituents sa Barangay San Jose.
Ipagpatuloy n’yo ang inyong magagandang gawain, mga pare ko!
Hindi ko makakalimutan kahit kailan ang hindi mapapantayang serbisyo, pagmamahal at pagmamalasakit ni yumaong Francisco S. Castro, Sr., na nagsilbilang kapitan ng barangay sa San Jose, Macabebe, Pampanga, ng 22-taon. Ganire siya katagal nanaungkulan sa barangay dahil na rin sa pagmamahal sa kanya ng mga residente.
Biro n’yo, mga mare at pare ko, tinulungan ni “Kapitan Kiko” ang lahat ng mga nangailangan ng kanyang tulong sa kabila ng kanyang sitwasyon payak na pamumuhay.
Payak man o simple lamang ang buhay ni yumaong Kapitan Kiko ay napakayaman naman niya sa kaibigan at taong nagmahal, rumespeto at hinangaan ang kanyang prinsipyo at propesyonalismo sa paglilingkod sa kanyang kapwa at sa barangay
At ang labis na kahanga-hanga sa kanya ay kapag nilapitan siya ng taong walang makain ay binabahagian niya ito sa pagkain o bigas na nakalaan para sa kanyang pamilya matiyak lamang na hindi magugutom ang kanyang kapwa. Bagay na sinang-ayunan rin ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang asawang si yumaong Consolacion B. Castro. Tsk, tsk, tsk!
Kaya pinananabikan ng mga residente ng Barangay San Jose ang ganireng uri ng serbisyo, pagmamahal at pagmamalasakit na maaaring nasalin sa anak ni Kapitan Kiko na si Luisito “Sito” Castro.
Sana ay makumbinsi itong si Sito Castro na tularan ang yapak ng kanyang amang si Kapitan Castro at tumakbo na sa susunod na barangay elections!
Abangan!