WALANG tigil ang pagbatikos ng netizens sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa mga bagong patakaran nito na itinuturing na hindi makamasa dahil sa napakalaking gastusin na kaakibat nireng mga requirements.
Ang unang hindi nga maituturing na makamasa ay ang isailalim sa Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) ng Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na kinatatakutan ng marami na isang paraan lamang ng katiwalian ng LTO.
Isa pang hindi mataggap ng publiko ay ang biglang pagtaas ng halaga ng pagkuha ng student permit non-professional at professional driver’s license na aabot na sa higit P5,000.00, bukod sa mga seminar at documentary requirements para rito.
Kung ang intensyon ng LTO sa pagpapahirap sa mga aplikante ng lisensya o ang matiyak ang road worthiness ng mga pribadong sasakyan para maiwasan ang mga aksidente sa lansangan ay mabuti naman sana. Sasaluduhan naming ang LTO sa kahanga-hangang layuning ito.
Pero ang pagsasagawa ng motor vehicle inspection at ang pagtaas ng halaga ng singil sa driver’s license isama pa ang iba pang requirements para dito ay hindi kailan man magiging garantiya na maiiwasan ang mga aksidente sa lansangan gamit ang motor vehicle.
Alalahanin sana ng LTO na lalong humigpit ang kumpitisyon ng mga fixer sa lahat ng kanilang tanggapan saan mang sulok ng bansa. Mga fixers na nagpapadali ng pagproseso ng mga transaksyon sa graft-ridden government agency na tinatangkilik naman ng mga aplikante lalo na ng lisensya para hindi na sila dumaan pa sa napakahigpit na proseso.
Ang dapat na isipin ng mga intelihenteng tauhan ng pamahalaan ay ang gumawa ng paraan kung paano madisiplina ang mga driver ng lahat ng uri ng behikulo.
Disiplinahin sila mula sa tamang pagmamaneho ng sasakyan hanggang sa kortesiya sa lansanga at paggalang sa kapwa motorista at mga tao.
Turuan sila ng tamang pagmamaneho at hindi yaong marunong lamang mag-atras at abante ng sasakyan ay tatawagin nang “driver’ at hahangaan pa.
Dapat ang lahat ay matuto ng tinatawag na “defensive driving” ay huwag maging maton sa pagmamaneho.
At maoobserbahan ang ugalit ng driver sa lansangan. Hindi sa pagtaas ng halaga ng lisensya o ang pagsasagawa ng seminar.
Maoobserbahan ang tunay na driver sa kanyang pagmamaneho sa lansangan, matrapik man o hindi.
Magagawa ‘yan ng mga tunay na may malasakit sa lansangan. At hindi ng mga tulad ng traffic enforcers na tanging ang daloy ng trapiko lamang ang inaatupag.