Usad-pagong

ITO na sigurong construction ng flyover bridge sa Molino-Zapote Road patawid ng Daang Hari sa Molino IV, Bacoor City, ang pinakamabagal ang paggawa sa lahat ng infrastructure projects sa bansa.

Mantakin ba namang mahigit isang taon na ang construction nito pero puro poste pa ang nagagawa ng kontraktor nito dahil sa halos walang nakikitang trabahador doon kahit pa bago magkaroon ng lockdown noong Marso, 2020. Tsk, tsk, tsk!

Hindi ko rin maintindihan kung bakit pinahihintulutan ng city government officials ang ganireng papitik-pitik at usad pagong na konstruksyon ng naturang flyover na inaasahang magdudulot ng ginhawa sa napakabigat na trapiko sa lugar gayong mayroon namang city engineer ang lungsod na dapat nagsasagawa ng inspeksyon sa proyekto.

Ang lahat ng flyover projects ng local at national government ay naglalayong magbigay ng ginhawa sa publiko kaya dapat tinitiyak ng kinauukulan ang tibay at tatag ng mga proyektong ito. At tinitiyak din na matatapos ang mga proyekto sa tamang panahon ng konstruksyon.

Pero ang flyover sa Molino-Zapote Road na ilang metro lamang ang haba at patawid lang sa Daang Hari ay hindi na dapat umabot sa 1-taon para matapos kung mayroon lang trabahador ang kontraktor dito sa araw-araw. Sa ganireng kabagal ng konstruksyon ay malaman hindi ito matatapos sa loob ng 3-taon pa!

Madalas kasi ay wala kahit isang trabahador sa proyektong ito ni Mayor Lani M. Revilla. Kung swinerte man na may makita ako ay dalawang trabahador lamang na inobserbahan kong halos hindi makakilos sa hindi ko malamang dahilan! Sus, ginoo!

Malakas ang kutob kong hinahatak ng kontraktor ang kanyang trabahador para sa ibang proyekto niya dahil kaunti lamang ang kanyang mga tauhan. O nagtitipid siya at ayaw kumuha ng ibang tauhan para nga naman hindi na mabawasan pa ang kanyang ganansya sa mga proyekto.

Pero ang malaking katanungan dito ay kung bakit ito pinahihintulutan ni Mayor Revilla. Tila super-lakas nitong kontraktor kay Mayor Lani Revilla kaya tatapusin niya ang flyover kailan man niya gustong tapusin! Tsk, tsk, tsk!!

Noong hindi pa nasisimulan ang konstruksyon ng naturang flyover ay umaabot ng 30-minuto bago makatawid sa Daang Hari mula sa Molino-Zapote Road. At nang masimulan ang konstruksyon nito ay umaabot na kami ng 1-oras na ibig sabihin ay dumoble ang aming sakripisyo sa bigat ng trapiko sa higit 1-taon na paggawa nitong proyekto.

Sa madaling salita ay noong lockdown lang walang trapik na naranasan o nakita sa lugar. Hehehe!

Kaya dapat lamang na imbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung bakit pinahintulutan ng city government officials ang labis na pagkatagal ng konstruksyon ng naturang flyover. Alamin ng departamento ang nilalaman ng kontrata sa proyektong ito at kung 5-taon ang nakalagay dito na project completion ay nangangahulugang mayroong matinding iregularidad sa kontrata.

Ang pinakamagandang gawin ng city government officials ay obligahin ang kontraktor ng proyekto na doblehin ang kanyang trabaho sa lugar. Ibig sabihin ang 24/7 dapat ang trabaho sa proyekto para matapos na.

Pero tiyakin nila ang tibay at tatag nito!

You May Also Like

Serbisyo sa Barangay San Jose

Serbisyo sa Barangay San Jose

NAGKOMENTO ang huwes na aking inireklamo at sa halip na pasinungalingan ang aking mga akusasyon laban sa kanya ay...

Simula nang bakuna sa bansa

Simula nang bakuna sa bansa

PERSONAL na sinalubong ni Presidente Rodrigo R. Duterte ang pagdating kahapon, Pebrero 28, ng unang batch ng COVID-19...