HINDI na dapat pang manatili bilang labor attaché si lawyer Jainal Rasul Jr., dahil sa nag-viral na pambubugbog daw ng kanyang misis sa isang overseas Filipino worker sa Amman, Jordan, noong Pebrero 28.
At dapat rin sanang masibak itong si Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III sa kanyang pwesto dahil sa kanyang mga masasakit na paratang sa kaawa-awang OFW na dumanas ng kalupitan sa mga taong dapat mangalaga sa kanilang kapakanan. Pinaratangan ni Bello si Honey Lyn Baquiran, bilang balckmailer dahil lamang sa kanyang gagustuhang ipagtanggol Rasul! Sus, ginoo!!
Biro n’yo, mga padrino ko, nang mag-viral ang naturang video kung saan nakikitang umiiyak na may mga pasa si Honey Lyn Baquiran, at humihingi ng tulong dahil binugbog daw s’ya ni Mrs. Olivia Rasul, ay agad nag-isyu ng statement itong si Bello na peke ang naturang video at gusto lang mang-blackmail ni Baquiran! Tsk, tsk, tsk!!
Hindi pa nakuntento si Bello at inakusahan pa niyang “fugitive”si Baquiran dahil tinakasan daw nito ang kasong extortion na isinampa ni Rasul sa Jordan court laban sa pobreng OFW na nakapaglagak ng piyansa para raw sa kanyang pansamantalang liberty. At aarestohin daw si Baquiran kapag ma-ispatan ito. Ang galing nitong si Atty. Bello, ah!!!
Sa video, sinabi ni Baquiran na binugbog daw siya ni Olivia Rasul, ang misis ni Labatt Rasul, dahil pinaratangan siyang may relasyon sa kanyang mister. Binugbog s’ya at ipinakulong pa raw ng dalawang araw dahil inakusahan siya ng extortion ni Labatt Rasul.
At ikinalat nina Rasul at Bello na extortionist at blackmailer si Baquiran at tinakasan nga raw ang kanyang kasong extortion.
Pero biglang lumutang si Baquiran at initerbyu ng Super Radyo DZBB ng lalawigan ng Iloilo kung saan niya malayang inihayag na puro mga kasinungalingan ang mga sinabi nina Sec. Bello at Labatt Rasul! Lawyers are liars nga ba?!
Ipinaliwanag niyang hindi siya tumakas dahil nagpaalam daw siya sa National Centre for Human Rights sa Amman para makauwi dahil sa pinagkakaisahan na siya ng mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Amman, Jordan at kanyang employer na Manar Hindawi. Si Baquiran ay nagtatrabaho bilang sekretarya sa recruitment agency ni Architect Manar Hindawi, ang sinasabing pinakamalaking agency sa Jordan.
Sinabi pa ni Baquiran na taliwas sa ikinalat ni Bello, hindi raw siya naglagak ng piyansa dahil kusa siyang pinalaya ng hukom ng korte.
Ikwinento ni Baquiran na noong Hulyo, 2020, siya unang binugbog ni Olivia Rasul sa kalye sa Amman pero pinakiusapan lamang siya para hindi na siya mag-reklamo.
At inulit ni Olivia Rasul ang pagbubugbog sa kanya sa mismong bahay daw ni Manar Hindawi noong Pebrero 28. Si Hindawi ang may-ari ng gusali na inuupahan ng POLO kung kaya’t kaibigan nito ang POLO officials. Bawal ‘yan, ah!
Sabi pa ni Baquiran na ang $500 na hiningi niya kay Labatt Rasul ay para sa kanyang pangpagamot pero pinalitaw ni Labatt Rasul na ito ay extortion kaya siya nakulong ng dalawang araw. Tsk
Naniniwala ako sa sinasabi ni Baquiran dahil wala nga namang ipinaliwanag si Labatt Rasul o ni Bello kung bakit nagkaroon ng extortion.
Bukod dito, sa kabila ng banta sa kanya na siya at ang kanyang pamilya ay papatayin at alam naman niya ang impluwensya ni Labatt Rasul dito sa bansa ay lumutang siya at lumaban dahil sa totoong ginulpi na nga siya; nawalan ng trabaho; at pinalitaw pa na kriminal ng mismong mga opisyal na inatasan ng kanilang tungkulin na pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga OFW.
Ang paghayag ng katotohanan ang tanging armas ng maliliit na mamamayan na tulad ni Baquiran para labanan ang dambuhalang kapangyarihan ng mga hindoropot na Sec.Bello at Labatt Rasul! At ang katotohanan ay siguradong lalabas at mangingibabaw!!
Dahil dito, inaasahan kong magsasampa ng kaukulang kaso si Baquiran laban kina Sec. Bello, Labor Attachè Rasul, Olivia Rasul (hindi ko makumpirma kung siya nga ay lawyer din) at sa kanyang dating employer na si Architect Manar Hindawi.
Sana makita kong makulong ang mga nang-api sa kanya, ma-disbar at pagbayarin ng milyon para sa matinding ginawa nila sa pobreng si Honey Lyn Baquiran.
Wala nang karapatan si Jainal Rasul Jr. na manatili bilang labor attaché kahit saang bansa at kahit isang saglit man lang. Wala rin siyang karapatang maging public servant. Lalong wala siyang karapatang maging abogado dahil ginamit na niya ang ito para ipakulong ang isang inosenteng tao sa katauhan ni Honey Lyn Baquiran.
At wala na ring karapatan si Silvestre Bello III na manatili bilang kalihim ng labor department dahil sa kanyang pagtatanggol sa mga ginawa ni Atty. Rasul!!!
Sibakin sila!!!